joscab
Well-known Netizen
- Oct 23, 2020
- 325
- 3,091
- 104
- Thread Author
- #1
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan ay para kang inosenteng biglang tinokhang. Masuwerte ka pa nga kung kakatok ang depresyon sa iyong pintuan dahil kung minsan ay hindi na nila hihintayin pang sila ay iyong pagbuksan. Buong puwersa nilang bubuksan ang pintuan bago ka pa makapagtanong ng “Sino iyan?”Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan ay walang oras na binibigay. Umaga man, tanghali o magbubukang-liwayway, darating sila sa panahong hindi mo aaasahang kailangan mong magtaas ng dalawang kamay.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, makikilala mo sila, nakatakip man ng itim ang kanilang mga mukha. Alam mo kung ano sila sa mundong iyong ginagalawan: Kalungkutan, Kawalan ng Pag-asa, Kahungkagan.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, armado sila ng pangamba, walang katiyakan at pag-iisa. Gaano ka man katapang ay mapapadapa ka na lang.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, kahit saang sulok ka magtungo ay wala kang pagtataguan. Tila kabisado nila ang iyong munting dampa ng emosyon. Kaya ka nilang mahanap at makaladkad palabas ng pintuan. Pero madalas, sa loob ka na mismo ng iyong tahanan hahandusay at maliligo sa sarili mong mga kahinaan.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan ay gagalugarin nila ang lahat ng ayaw mong maalala: mga hindi kaaya-ayang imahe, mga pagkakamali, mga nais mong kalimutan hanggang sa pagtanda.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan ay wala ka na ngang laban ay tataniman ka pa nila sa iyong isipan ng mga nagawa at mga magagawa mong kasalanan.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, paluluhurin ka nila kahit nasa harap ka pa ng iyong mga magulang, anak, kapatid o sino mang mahal mo sa buhay.
Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, iisipin mong iyon na ang iyong katapusan.
Pero sana, kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan, piliin mo pa ring manlaban. Tandaan mong ang patuloy mong paghinga ang kapalit ng paglaban.
Eurmajesty Roque: Kapag kumatok ang depresyon sa iyong tahanan
Last edited by a moderator: